Laman ng mga pahayagan ang mga magagandang balita tungkol sa bumubuting lagay ng ekonomiya ng bansa. Madalas ay ibinabandera sa mga istasyon ng telebisyon ang mga numero na nagbibigay indikasyon sa paglago ng merkado, ngunit hindi maiwawaglit sa isang mamamayan na nakararanas ng gutom o kakulangan sa kita upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya kung totoo ba ito o sadyang propaganda lang ng gobyernong nagsisilbi sa kaniya.
Mahirap magbigay kumento sa isang bagay na alam mong hindi mo alam ang kalakaran, ngunit kasalanan din naman kung mananatili ka na pipi at bingi sa iyong nararamdaman sa kasalukuyang lagay ng iyong bayan.
Madalas naisip ko, maganda rin naman na marinig ang isang balita hinggil sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa ngunit hindi lamang ang numero o balita ang indikasyon ng lumalagong ekonomiya ng bansa kundi ang estado ng pamumuhay ng mga mamamayan nito. Kung umuunlad nga talaga ang bansa, bakit sa tuwing baling ng iyong paningin sa paligid ay maraming tao ang namamalimos, madaming nais umalis ng bansa upang maghanap ng ikabubuhay sa ibayong dagat at madalas mong marinig ang talamak na krimen gaya ng pagnanakaw? minsan nga naisip ko, nagiging kabuhayan na ang pagnanakaw ng mga taong hindi makahanap ng disenteng trabaho.
Ngayon, isipin natin kung ilusyon o katotohanan ba ang pag-unlad ng bansa. Ilusyon sa aspetong hindi masyadong maramdaman ng kagaya kong indibidwal ang totoong pag-angat. Kung totoo ito, sana ay tumataas ang sahod naming manggagawa, at bumubaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin, pero hindi eh. baliktad ang nangyayari. Kung umuunlad ang bansa, sana ay mabilis na natutugunan nito ang ilan sa pangunahing pangangailan ng bansa kagaya ng Kalusugan ng mga mamamayan, edukasyon ng kabataan kung saan ay hindi siksikan, hindi kulang sa libro, upuan at silid aralan at higit sa lahat sa aspeto ng edukasyon ay hindi ginagawang kalakal ang mga mag-aaral para sa kapakinabangan ng mga negosyanteng ganid sa pera kundi para sa kapakinabangan ng bansa, mga mag-aaral na nais makatulong sa bansa at sa pamilya. Mga mag-aaral na balang araw ay malayang mamili ng nais nilang kurso hindi dahil ito ang indemand.Higit sa lahat, kung umaangat ang bansa, dapat gayon din ang kakayahan nitong ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa loob at labas man, ngunit sa nakikita natin ngayon ay kulang sa aksyon ang pamahalaan. Nagiging isang kawawa tayo sa mga pang-bubully ng mga kalapit bansa dahil sa mahinang kakayahan natin sa aspeto ng depensa.
Sana ang pag-unlad na ito ay isang katotohan at hindi nararamdaman ng mga upper class lamang. Dahil kung ito ay isang katotohan, ito'y dapat na nararamdaman ng bawat sektor ng lipunan hindi ng iilan.
No comments:
Post a Comment