Sa mga nakaraang buwan at linggo, halos lahat na yata ng balita ay
may kinalaman sa PDAF o mas kilala sa tawag na Pork Barrel. Simula ng
kumanta ang mga tinaguriang whistle blowers, Million People March sa
Luneta at sa pagkakahuli kay Gng. Napoles, kabikabila ng anomalya ang
nabubunyag sa pamahalaan. Naisip ko tuloy, hanggang kailan ang usaping
ito? Mananagot kaya ang may sala o baka daan taon ang lumipas ay saka
lang maibaba ang hatol? Alam naman natin, medyo mabagal ang hustisya sa
bansa.
Alam naman siguro ng nakararami na "open
secret"itong katiwalian sa gobyerno pero bibihira ang naglalakas ng loob
na magsabi dahil kung may nakakaalam man ay sinasarili nalang o
nagiging chismis nalang dahil mahirap nga naman lumaban kay
Kagalang-galang na Congressman, mamaya ipatumba ka pa.
Magkaganoon
pa man, ang mahalaga ngayon ay may naglakas loob na isiwalat ang
nagsangasangang katiwalian sa gobyerno. Tila ba anay na sumisira sa
ating lipunan ang katiwalian ng mga sana'y inaasahan ng masa na
magdadala sa kanila sa kaginhawaan.Pero hindi lang anay kundi Kanser na
tila ba ngayon lang na diskubre kahit matagal ng iniinda ito ng lipunan,
ng pamahalaan.
Kung ihahambing ko sa kanser ang
laganap na katiwalian sa ating pamahalaan ay makikita nating medyo
mahihirapan tayong gamutin ito. Matagal at mahaba ang gamutan at
kinakailangang makiaayon ng katawan sa pangmatagalang proseso upang
magamot ang sakit na ito. Ngunit naiisip ko lang, bakit ngayon lang
kaya? Siguro ba ay di nakayang indahin ni Juan dela Cruz ang sakit na
mismong sa kalooban nya nagsimula ang sakit.
Naalala ko
tuloy ang isang mambabatas mula sa aking probinsya. Ito medyo talagang
matagal ko ng pansin at pilit na nagtatanong noon sa mga matatanda
ngunit walang kongkretong sagot akong nakukuha sa kanila dahil mismong
sila ay binulag na ng panahon sa bulok na klase ng pamamahala. Sa
mahabang panahon ng panunungkulan nilang mag-asawa, minsan palitan pa
sila ay walang gaanong kongkretong proyekto akong nakita mula sa kanila
gayong malaki naman pala ang kanilang nakukuha nilang pondo para sa
pagpapa-unlad ng kanilang distrito. Ang mga tulay ay nawasak ng mga
nagdaang bagyo sa amin pero walang nangyaring pagsasaayos, ang mga
kalsang sana ay nasemento na ay dekada ang binilang upang matapos (ang
masama ay hindi pa), ni walang placard kung magkano ang gastos eh kasama
pala yun, ang masama pa nito ay ginagawang ng sementadong kalsada kung
saang baranggay siya mataas ang boto. Ngayon ay nasa kongreso parin ito.
Lumipat
ako sa Maynila at sa medyo tagal ko na din dito, ito lang napansin ko,
maya't maya ang patong ng aspalto sa kahabaan ng kalsadang ito, matapos
ang ilang buwan ay papatungan na naman hanggang sa nababarahan ang mga
kanal at wala ng madaanan ang tubig kaya baha ang labas. Tuwing
Graduation eh namimigay ng cash at mas malaki kung malapit na anng
eleksyon.
Kung ganito ang pag-iisip ng nakararaming
nahahalal na pinuno ay di malabong siguro nga may anomalya sa
pamahalaan. Sa patuloy na pag-andar ng imbestigasyon lalong
nagsasanga-sanga ang nadidiskubring katiwalian. Hindi kaya nila naisip
na sa bawat magarang sasakyang meron sila at sa bawat bakasyon sa mga
mamahaling lugar, sa bawat bili nila ng mga original brands ay may
milyong mamamayang Pilipino ang walang angal na kumakayod upang kumain
ng tatlong beses sa isang araw. Siguro ang problema sa kasalukuyan ay
ang paraan ng paghalal natin ng pinuno. Kaya pala marami ng kandidato
tuwing eleksyon ang handang kumitil ng buhay dahil sa karangyaang hatid
sa kanila ng posisyong ipagkakaloob sa kanila.
Walang
magbabago kung ang karamamihan ay patuloy na sasamba sa tagumpay ng
iilan, sa kakarampot na tulong na mula din sa kanilang bulsa at sa
patuloy na pagpayag na harap-harapan silang nakawan ng iilang
mapagsamantala. Dapat tayo ay patuloy na makiaalam sa pamahalaang tayo
ang kinakatawan.
No comments:
Post a Comment