Para makakita sa dilim ay
kailangan ng liwanag. Paano kung ang nagbibigay liwanag ay siyang bumubulag din
sa atin upang makakita sa dilim?
Ang
politika ng Pilipinas ay minsan carnival at minsan fiesta, para kang nanonood
ng drama sa TV, may halong katatawanan, drama, komedya, aksyon at minsan pa nga
ay horror, ang showbiz ng totoong buhay. Ang mga mamamayan ang producer at ang
iilan ang direktor.
Ngunit
teka lang, bakit nasabi kong ang mga mamamayan ang producer?
Ang
sagot ay simple, mamamayan ang nagbabayad ng buwis na ginagamit ng mga artista
ng gobyerno upang umarte na para bang nagworkshop at animo’y nadadala talaga
ang mga producer na siya ring nagsisilbing manonood kahit medyo hilaw at di
maayos ang arte. Hindi makapagsabi ang producer na pangit dahil di naman sila
ang direktor (gets mo?). Ang medyo pangit pa dito ay literal na pinapasok ng
mga artista ang politika, ang sining ng pamamahala ng mga tao, ang sining na
nangangailangan ng natural na pag-arte, walang script kundi kusang mula sa puso
na nangangailangan ng liwanag bilang gabay sa dilim ay tunay ngang nagliliwanag
na.
Ang
pamahalaang Pilipino ay parang Pelikulang Pilipino na din sa di nagkakalayong
anyo nito. Ang pamahalaan ay pinasok na ng mga bituin. Ang ilan sa kanila ay
may alam naman talaga sa politika at kumbaga ay willing na matuto. Ang tanong
ngayon bunga ng obserbasyon ko sa pamahalaan ay paano nila lubos na
napapamahalaan ang kanilang nasasakupan kung bahagi ng kanilang oras ay
iginugugul sa pag-arte at ang kalahati ay sa pamamahala at pagtugon sa mga
pangangailangan ng mamamayan? Hindi ba’t nahahati nito ang atensyon nila (kunsabagay,
may nag-iisip naman ata para sa kanila). Pero hindi naman talaga ito
kataka-taka, ang iilan nga na tumanda na sa parehong larangan ay nakuhang
balansehin ang kanilang oras sa iba’t-ibang asawa at nakuha pang magtatag ng
dinastiya sa pamahalaan, sa politika at showbiz pa kayang dalawa lang.
Ang
katotohanan ay minsan mahirap tanggapin, lalo’t kung bahagi ka ng pagkukubli
nito at pilit mong itatanggi kahit lutang na. Anong mapang-akit na halimuyak
ang umaakit sa mga bituin upang bumagsak sa politika ng bansa? Bato-bato sa
lupa, paghinagis, ang tamaan ay may bukol.